Bridgetines, nag-uwi ng karangalan sa Int’l Math Competitions

binhi-cover

Nag-uwi ng karangalan para sa bansa sina Ethan Lestat Tiongson at Lara Athena Recuenco na nakipagtagisan ng galing sa Mathematika sa mga bansang Singapore at Thailand.

Nasungkit ni Ethan Tiongson ang tansong medalya sa 12th IMC na ginanap sa Singapore, Hulyo 29-Agosto 1. Samantala si Lara naman ay tinanghal na merit awardee sa Thailand, Hulyo 20-24.

Ayon sa Mathematics Trainer’s Guild of the Philippines (MTG), and samahan na humuhubog sa mga Pinoy Math wizards, layunin ng mga ganitong kompetisyon na ipaalam sa mga kabataan ang kahalagahan ng Mathematics.

Ang koponan ng Pilipinas ay sumailalim sa iba’t ibang mga pagsasanay. Ang unang libel ay Mathematical Challenge for Filipino Kids Training Program (MCFKTP) na ginanap sa Tanauan City sa loob ng 12 linggo kung saan nagwagi si Tiongson ng ikatlong pwesto. Sunod sa libel naman ang (YMIITP) na ginanap sa Grand Opera Hotel sa lungsod ng Maynila kung saan ang nasabing pagsasanay ay lalo pang nagpahusay sa dalawang Math wizards.

Hindi rin nila pinalampas ang mga pagsasanay sa Mathematics Olympiad Summer Training Program (MOSTP) sa Hope Christian High School sa lungsod ng Maynila.

Tinanghal na overall champion ang Pilipinas sa ginanap na 12th International Mathematics Competition sa Singapore. Nakuha ng Pilipinas ang 26 na ginto, 50 pilak at 132 bronze.

Labindalawang bansa ang lumahok sa nasabing patimpalak na ito para sa mga estudyante ng elementarya at sekondarya. Pumangalawa ang China na nakakuha ng 196 na medalya, ikatlo ang Singapore na may 123 medalya, ikaapat ang Vietnam na may 82 medalya, at panlima ang Taiwan na may 71 medalya. Ang iba pang mga bansang nakipagtagisan ng galing ay mula sa South Korea, Iran, Malaysia, Indonesia, Thailand, India, Laos, at Hongkong.

Habang ang iba namang mga bansang lumahok sa International Mathematics Wizard Challenge sa Thailand ay mula sa India, Indonesia, Malaysia, Hongkong, Macau, at Vietnam.

Dahil dito, binigyan ng pagkilala ng city council sa pangunguna ni Mayor Beverly Rose Dimacuha sina Tiongson at Recuenco dahil sa pagdadala ng karangalan sa lungsod at sa bansa.