Sublian Festival, pinatingkad ang kulturang Batangueño


Kaakibat ang temang “Sublian Festival: May Panibagong Sigla”, ginawang sentro ng pagdiriwang ng ika-47 na taon ng pagkakatatag ng Batangas City ang pagpapahalaga sa kulturang Batangueño sa harap ng kaunlaran at hamon ng modernisasyon.

Inorganisa ng lokal na pamahalaan ang samu’t saring mga patimpalak katulad ng Dobol Kwartet, Triple Trio, Pagsayaw ng Alitaptap, Jota Batangueña, Jota Rizal, Polka sa Nayon, Subli at ilan pang mga kompetisyon na sinalihan ng mga paaralan, mga organisasyon at mga mamamayan.

Tinanghal na kampeon sa Triple Trio ang mga mag-aaral sa Junior High School ng St. Bridget College na sina Lexter Anne Santos, Arriane Yzabel Panopio, Catherine Gwyneth Reyes ng 8-Prudence; Ashley Collene Silang ng 8-Piety; Daniela Marie Mitra ng 9-Amity; Kristina Mendoza mula sa 9-Industry; Jan Jilliene Alday at Julia Marie Medrano mula sa 9-Simplicity; at Carlos Miguel Parto ng 10-Sanctity matapos kantahin ang Magtipon sa Tahanan ng Diyos ng batikang Batangueñong kompositor na si Augusto Espino.

Si G. Rafael Aquino Hagos ang naging tagapagsanay ng mga mag-aaral.

Pinatingkad din ng taunang Fluvial Parafa ang pagdiriwang kung saan ipinakita ang tradisyunal  na pagbibigay tanaw sa Mahal na Poong Sto. Niño at Sta. Cruz.

Kinilala naman ng National Commission for Culture and Arts ang pagpapahalagang ginagawa ng mga taga-lungsod ng Batangas.

– Jon Mikael Ales